LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Albay Provincial Environmental Sanitations na umabot na sa tatlo katao ang nasawi habang mahigit 40 ang kasalukuyang nagpapagaling dahil sa diarrhea mula sa dalawang barangay sa bayan ng Rapu-rapu, Albay.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Sanitations head Engr. William Sabater, lumalabas sa resulta ng rectal swab na positibo ang mga nasawi sa cholera.
Aniya, kabilang sa mga barangay na apektado ay ang Brgy. Manila at Brgy. Gaba ng nasabing bayan.
Kontaminasyon sa inuming tubig naman ang itinuturong sanhi ng sakit na ito batay din sa isinagawang water sampling sa water source ng nasabing mga barangay.
Sa water sampling, nadiskubre ang undeveloped spring na kumpirmadong hindi ligtas sapagkat lumabas ang positibong resulta nito na nagkaroon ng kontaminasyon.
Samantala, tinututukan na ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ang nakakabahalang sakit na ito.
Ayon pa kay Sabater, ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong tatlong fatality sa bayan dahil sa nasabing sakit, kaya’t ikinababahala ito ngayon ng lokal na pamahalaan.