3 menor de edad, itinuturong may kagagawan sa paglagay ng upos ng sigarilyo sa isang imahen sa Bacacay

LEGAZPI CITY – Tatlong menor de edad ang itinuturong may kagagawan sa paglalagay ng upos ng sigarilyo sa imahen ni Señor San Juan Nepomuceno sa Brgy. Bonga, bayan ng Bacacay, Albay.

Ayon kay Kap. Teody Bigol ng nasabing barangay, kitang-kita sa CCTV footage ang mga menor de edad na naglagay ng upos ng sigarilyo sa imahen.

Hindi umano ito palalampasin, kung saan agad niya itong bibigyan ng aksyon.

Padadalhan umano nila ng sulat ang mga menor de edad at ipapatawag sa barangay ang kanilang mga magulang.

Aminado ang punong barangay na maraming mga kabataan ang tumatambay sa bahagi ng simbahan, kaya’t kinakailangan itong ikutan ng mga tanod upang hindi na maulit pa ang insidente.

Samantala, panawagan ngayon ng simbahan sa mga tumatambay na respetuhin ang mga imahen lalo na ang simbahan.