CAMARINES NORTE – Iginiit ng Commission on Elections na hindi required ang mga kandidato na mag register at magbayad ng registration fee sa Bureau of Internal Revenue sa paghahain ng Certificate of Candidacy.
Batay ito sa advisory na ipinalabas kahapon sa official Comelec facebook pagesa gitna ng kalituhan at pag- alma ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections dahil sa ganitong requirements.
Ang bagay na ito ay kinumpirma sa Brigada News FM Daet ng Comelec Provincial Office.
Nakasaad sa advisory na hindi prerequisites sa pagiging kandidato ang BIR registration.
Dati na umanong sinabi ng Supreme Court na dapat ay walang property o financial requirement na ini- impose bilang qualifications sa mga kandidato.
Wala pang pahayag ang BIR- RDO 64 hinggil sa bagong advisory na ito ng Comelec.
Pero sa mensahe sa Brigada News FM Daet kinumpirma ng BIR na pinag- uusapan na nila ang hinggil sa bagay na ito at base umano sa abiso sa kanila ng national office ay maghihintay pa ang lokal na opisina ng ahensiya ng isa pang regulation.
Kung maalala ay dati na ring sumulat si Provincial Election Supervisor Atty. Francis Nieves sa BIR at humingi ng paglilinaw ukol sa registration requirement.
Tumugon naman ang BIR RDO 64 sa pamamagitan din ng sulat at ipinaliwanag na ang registration at iba pang tax compliance requirements ng mga kandidato ay nakabatay sa Revenue Memorandum Circular No 38- 2018. Sa sulat na ito ni Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon na may petsang August 28, 2023, nakasaad na sa ilalim ng naturang circular, lahat ng kandidato, political parties, party list groups at campaign contributors ay may tungkuling mag- register at mag- update ng registration sa BIR.
