Sasampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang tatlong itinuturing na big time drug suspect na nahuli sa Malapat, Cordon, Isabela noong araw ng Sabado, October 30, 2021.
Kinilala ang mga suspek na sina Jestoni Guttierez, 30-anyos, may asawa, isang truck driver na residente ng Barangay Alibadabad, San Mariano, Isabela; Juanito Aggabao, 33-anyos, may asawa, isang pahinante na residente ng District 3, Cauayan City at Evelyn Dela Cruz, 47-anyos, may asawa, sack vendor na tubong Santo Niño, Gapan, Nueva Ecija.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, ang hepe ng Cordon Police Station, una rito ay nakipag-ugnayan umano sa kanila ang Maddela PS dahil nahuli umano nila ang kasamahan ng tatlong nabanggit na suspek na nagbabagsak umano ng illegal na droga sa Cordon, Isabela at karatig na bayan.
Aniya, ikinasa ang drug buy bust operation kung saan nakipagtransaksyon ang suspek na nahuli sa Maddela PS sa tatlong suspek at napag-usapang magkikita sa harapan ng isang establishimento sa Cordon na paradahan ng mga trailer truck.
Pagdating sa napag-usapang lugar ay natunugan umano ni Guttierrez na ang kanilang katransaksyong kasamahan ay nahuli na ng otoridad kaya’t dumiretso umano ito at nahabol lamang sa Brgy. Malapat kung saan sila nasakote.
Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang isang heat sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may DBB value na 15, 000 pesos.
Nang kapkapan aniya ang mga suspek ay nakitaan pa ng karagdagang 4 na sachet na naglalaman ng umano’y shabu.
Sa kabuoan ay nasa 50 grams ang bigat ng narekober na hinihinalang shabu at tinatayang nagkakahalaga ng 340,000 pesos.
Bukod dito ay nakumpiska rin ang 3 cellphone, 3 aluminum foils, 2 disposable lighters, ilan pang drug paraphernalia at naimpound din ang kanilang sasakyang trailer truck.
Dagdag pa ni PMaj. Mallillin, itinuturo ng dalawang lalaking suspek na pagmamay-ari ng kanilang kasamahang si Dela Cruz ang mga nakumpiskang droga na kanilang isinakay lamang.
Kaugnay dito, inamin naman ito ni Dela Cruz at napag-alamang kabilang ang tatlo sa High Value Target na binabantayan ng PDEA.
Ayon pa kay PMaj. Mallillin, iniimbestigahan na rin kung sangkot ang mga suspek sa isang drug syndicate dahil nanggagaling umano ang kanilang ibinebentang droga sa Manila o Tarlac.