NAGA CITY- Habang ang karamihan ay abala sa paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Eleksyon 2023, puspusan naman ang paglinis at pag-aayos ng Naga City Solid Waste Management Office (SWMO) sa mga sementeryo para sa paparating na undas.
Sa lungsod ng Naga, inaasahan ang di bababa sa 2,000 – 3,000 ang mga magbibisita sa pinakamalaking sementeryo ng lungsod, ang Naga City Public Cemetery. Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Engr. Joel Martin, hepe ng SWMO, nakapaglagay na sila ng mga signages, sound system, mga ilaw at tents sa nasabing sementeryo. Maglalagay din sila ng mga portalets o portable comfort rooms para maging komportable ang pagbisita ng mga may kasamang bata at matanda.
Paalala naman ni Martin, bawal na ang paglilinis sa sementeryo sa mismong araw ng pagdalaw upang hindi sila makaabala sa iba pang magbibisita kung kaya’t mas mainam na agahan ang paglilinis at pagpintura sa mga pantyong ng kanilang kaanak.