CAMARINES NORTE- Aabot sa 257 na mga empleado at Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Camarines Norte Provincial Jail (CNPJ) ang nakapagparehistro na sa Philippine Identification System o PhilSys.
Yan ay makaraang simulan na rin sa Camarines Norte ang tinatawag na Institutional Registration kung saan maaaring mag request ang isang opisina o institusyon para dito gawin ang pagpaparehistro ng kanilang mga empleado o tauhan.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pwedeng gawin ang institutional registration kung mayroong hindi bababa sa 60 empleado sa isang opisina at may sapat na espasyo para sa registration kits.
Kung hindi kakayanin ng isang araw ang pagsasagawa ng institutional registration dahil sa dami ng magpaparehistro ay mayroon dapat matutuluyan ang registration team kung sa labas ng Daet gagawin.



Pwedeng gawin ang institutional registration sa BJMP, BFP, PNP military camp, government offices at maging sa private institution.
Batay sa datos ng PSA as of August 25, 2021, nasa 168, 148 na ang nakakapagrehistro sa buong lalawigan ng Camarines Norte o 50. 60 % sa target registrants hanggang Disyembre na 332, 322.
Sa bilang na ito nasa 86, 900 ang nasa priority at 81, 248 ang walk in.
Pinapaaalalahan din ang mga magpaparehistro na sundin ang minimum health standards kontra COVID- 19.
