KORONADAL CITY- DALAWAMPU’T apat na mga paaralan sa Soccsksargen ang kabilang sa listahan na isinumite ng Department of Education (DepEd) Region 12 para sa pilot testing ng face-to-face classes ngayong school year.
Ayon kay DepEd 12 Regional Director Carlito Rocafort na labindalawa sa mga ito ay nasa South Cotabato, pito sa Saranggani province, dalawa sa General Santos City at tig-isa sa Kidapawan City, Koronadal City at Cotabato province.
Ngunit inihayag ni Rocafort na hinihintay pa nila ang final approval ng central office at Department of Health (DOH) kung kwalipikado ang mga ito na magsagawa ng face-to-face classes batay sa mga itinakdang indicators o criteria at school safety assessement tool.
Binigyang diin ni Rocafort na bago ipatupad ang face-to-face classes, kailangan din ang approval at endorsement mula sa mga local government units kung saan naroon ang paraalan at kailangan din ang consent ng mga magulang ng mga estudyante.
