Nakatanggap ng 8 unit ng motorized V-Type FRP boat mula sa Department of Agriculture- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 (DA- BFAR 02) ang 22 na mangingisda sa Fugu Island, Appari Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, pinangunahan ito ni DA-BFAR 02 Director Milagros Morales kasama si Cagayan Provincial Fisheries Officer Venchito Villarao, LGU Aparri at Municipal Agriculture Office.
Ayon kay OIC-Capture Section and FRP Boat Construction Project Leader Crisanto Laeno, tatlong mangingisda ang gagamit bawat isang bangka upang mapangalagaan ito at maisagawa ang regular na maintenance.
Kasabay ng aktibidad ay nagsagawa ng paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng DA-BFAR2 at mga mangingisda kung saan nakapaloob na bawal ibenta ang natanggap na mga bangka at bawal gamitin sa ilegal na pangingisda.
Kinilala naman ni Dir. Morales ang kahalagahan ng mga mangingisda bilang partner ng BFAR at ang ibinigay na nga bangka bilang livelihood assistance ay makatutulong upang tumaas ang kita ng mga ito.
Samantala, bago ang turnover ng mga bangka, ang napiling mga benepisaryo ay dumaan sa iba’t ibang pagsasanay sa pag-aayos ng mga banka at engine nito.