Umabot na sa mahigit 20 LGU at dalawang lalawigan sa lambak ng Cagayan ang nagpasa na ang ordinansa parea sa mas malawak at maigting na interbensyon laban sa African Swine Fever (ASF).
Kabilang sa mga nagpalabas na ng ordinansa ay ang probinsya ng Isabela at Quirino.
Habang nagpasa rin ng kaparehong ordinansa ang mga lokal na pamahalaan ng Peñablanca, Piat, Tuao at Iguig sa Cagayan; ang bayan ng Aurora, San Mariano, San Guillermo, Burgos, Delfin Albano, Reine Mercedes, Alicia, Mallig, Roxas, Gamu, Luna, Ilagan City at Santiago City sa Isabela; Bagabag, Bayombong at Solano sa Nueva Vizcaya at ang bayan ng Cabarroguis at Diffun sa Quirino.
Kaugnay nito ay nagpahayag naman ng pasasalamat si Dr. Manuel Galang Jr., Veterinarian III at ASF Point Man ng DA Regional Field Office No. 02, sa mga LGU dahil sa suportang ito upang malabanan ang ASF na labis na nakaapekto sa hog industry sa rehiyon.
Ayon sa ahensya ang pagkakapasa ng naturang ordinansa ay nagpapatunay umano sa hangarin ng mga LGU na paigtingin pa ang interbensyon sa naturang virus sa pamamagitan ng pagbuo ng ASF Task Forces mula sa probinsiya, munisipiyo at barangay.