BNFM BICOL—Kinumpirma ni Catanduanes Provincial DOH Officer Dr. Robert John Aquino na may 21 bagong naitalang kaso ng COVID-19 Delta variant sa islang lalawigan.
Sa isang panayam, inihayag ni Aquino na mula sa nasabing bilang sampu sa mga ito ang mula sa bayan ng Virac; apat sa Bagamanoc; tig-dalawang kaso ang mula sa bayan ng San Miguel at Panganiban habang may tig-iisa naman ang mga bayan ng Viga, Pandan at Gigmoto.
Karamihan sa mga indibidwal na nag positibo mula sa nasabing variant ay naka recovered na sa sakit ngunit bilang pagtalima sa guidelines na ipinasusunod ng DOH, muli ang mga itong isasailalim sa swab testing habang isasagawa naman ang “backtracking’ sa mga naging close contacts nito.
Bunsod nito, asahan rin aniya ang posibleng pagdami pa ng mga maitatalang COVID-19 cases sa lalawigan sa mga susunod na araw, lalo na kung muling mag po-positibo sa virus ang mga na-detect na Delta variant cases.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ng doktor sa mga residente sa isla na iwasan ang pagsasagawa at pagdalo sa mga super spreader events gaya ng mga birthdays at kasal dahil ito ang madalas na nagiging sanhi ng mabilis na transmission ng sakit.
Patuloy ring hinihikayat ni Aquino ang publiko na makiisa sa nagpapatuloy na pagbabakuna upang mabigyan ng proteksyon kontra sa nakamamatay na virus.###