Naging masigasig, patas at malalimang binusisi nang mabuti ng Kamara ang panukalang pambansang budget sa 2025.
Ito ang binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez sa kanyang address bago mag-adjourn ang sesyon kasunod ng pagkakapasa sa 2025 General Appropriations Bill.
Sa botong 285 affirmative, 3 negative at zero abstention ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10800 matapos ang dalawang linggong marathon hearings.
Sinabi ni Romualdez na nagawa ng mga kongresista ang trabaho kahit abutin ng umaga kaya nalalapit nang maipatupad ang mga inisyatiba at flagship projects ng gobyerno.
Nananatili aniya ang kanilang layunin na isulong ang agenda for prosperity at tiyaking ang bawat Pilipino ay makararanas ng pantay na kaunlaran.
Punto ni Romualdez, sa pagsisimula pa lamang ng 19th Congress ay nagsumikap at naging prayoridad na nila ang pieces of legislation na tutugon sa kahirapan, agricultural productivity, food security, paglago ng kita, human capital development at employment opportunities.
Ibinida naman ng Speaker ang mga napagtagumpayan ng Kamara kung saan animnapung priority measures ang naaprubahan na sa common legislative agenda at apat na lang ang sumasailalim pa sa deliberasyon.
Sa naturang bilang, dalawampu ang naisabatas kabilang ang Magna Carta of Filipino Seafarers, lima ang naratipikahan na kabilang ang Philippine Maritime Zones Act at nakabinbin na sa bicameral conference committee ang Blue Economy Act.