Hindi magbibitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte.
Ito ang direktang sagot ng pangalawang pangulo sa hamon ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon na mag-resign na lang kung hindi na interesado sa kanyang trabaho.
Sa pulong balitaan sa Office of the Vice President sa Mandaluyong, sinabi ni VP Sara na malaki ang pananagutan niya sa tatlumpu’t dalawang milyong Pilipinong bumoto sa kanya kung kakagat siya sa hamon.
Bahagi aniya ito ng pain upang igiit na kapit-tuko siya sa puwesto kung hindi aalis.
Punto ni Duterte, nais nilang isakatuparan ang impeachment laban sa kanya ngunit wala silang mahagilap na kaso.
Pareho umano ng direksyon sina House Deputy Minority Leader France Castro at dating Senador Antonio Trillanes IV at ito ay mapatalsik siya gamit ang impeachment.
Dahil dito, iginiit ng bise-presidente na lumikha lamang ang mga kalaban ng bagong diskarte at ito ay manawagan ng resignation.
Sa kabila nito, sinabi ni VP Sara na wala naman siyang ginagawang masama kaya handa itong harapin dalhin man ang kanilang galit sa korte o sa pamamagitan ng impeachment.