LEGAZPI CITY – Aabot sa 200 magsasaka sa Albay ang sa wakas ay magkakaroon na ng lugar na matatawag nilang tahanan.
Ayon kay Project Focal Person Athea Padua Papina ng Department of Agrarian Reform (DAR) Albay, kasalukuyang nagsasagawa ng validation para sa mga potensyal na Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) upang matiyak na ang mga housing unit ay talagang ibibigay sa mga karapat-dapat na benepisyaryo.
Target na matapos ang validation sa buwan ng Oktubre ngayong taon.
Aniya, 200 housing units, 70% o 170 units ay para sa ARBs na miyembro ng Albay Dairy Farmers Multi-Purpose Cooperative sa Guinobatan, Albay, habang ang natitirang mga unit ay ilalaan ng lokal na pamahalaan sa iba pang mga magsasaka na mababa ang kita sa lugar.
Ang nasabing proyekto ay target na matapos sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.
Ayon naman kay DAR Bicol OIC Director Rodrigo Realubit na ang bungalow-type housing units ay itatayo sa isang 2.6-ektaryang lupain sa Barangay Upper Binogsacan na donasyon ng lokal na pamahalaan ng Guinobatan.
Ang bawat bahay ay nagkakahalagang P520,000.00 na babayaran ng mga magsasaka sa loob ng maximum na 25 taon sa 2 hanggang 3% na taunang interes lamang o buwanang amortisasyon na P1,500 – P2,500.
Nasa 36 metro kuwadradong mga konkretong bahay ay magkakaroon ng dalawang silid-tulugan, isang palikuran na may mga koneksyon sa kuryente, tubig, isang granite na kusina, mga naka-tile na sahig, at pininturahan ang panloob at panlabas na mga dingding.