2 tauhan ng PH Navy – patay nang bumagsak ang isang training aircraft sa Cavite City

Dalawa ang nasawi matapos bumagsak ang isang training aircraft sa Draga Reclamation Area sa Barangay 57 sa Cavite City.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nasawi ang dalawang piloto ng Robinson R22 NHT421 na pawang mga tauhan ng Philippine Navy.

Nag-emergency landing ang training aircraft ma-a-alas-7 ng umaga kanina, malapit sa Cavite City Public Market sa hindi pa alam na dahilan.

Nadala pa sa Cavite Medical Center ang piloto ng naturang helicopter, pero idineklara ring dead-on-arrival; habang co-pilot ay namatay habang ginagamot sa Bautista Hospital.

Sa ngayon, hawak na ng AFP ang pagkakakilanlan ng 2 nasawing piloto pero kanila munang ipaaalam sa pamilya bago isapubliko ang pangalan ng mga ito.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

IMBESTIGASYON NG PHILIPPINE NAVY

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine Navy sa sanhi ng pagbagsak ng isa nitong helicopter.

Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Navy na nagdadalamhati sila ngayon sa pagkasawi ng 2 nilang tauhan.

Galing umano sa Sangley Airport ang naturang helicopter at nagsasagawa ng training flight lulan ang 2 piloto.

Nabatid na ito na ang huling Robinson R22 trainer helicopter ng Navy.

Pagtitiyak naman ng Navy, regular ang isinasagawa nilang inspeksyon at maintenance sa kanilang mga helicopter para sa airworthiness ng mga ito.

Habang nag-iimbestiga, sikapin naman ng Navy na huwag nang maulit ang kahalintulad na insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *