2 sundalo, patay nang tamaan ng kidlat sa Kalinga

Dalawang sundalo ang nasawi habang sugatan ang apat na iba pa matapos na tamaan ng kidlat habang tinutugis ang natitirang kasapi ng CPP-NPA sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc sa bayan ng Pasil sa lalawigan ng Kalinga.

Base sa ulat ng 5th Infantry Division, Philippine Army, nakilala ang mga nasawi na sina Corporal Andrew Five Monterubio at Private First Class Inmongog Aronchay.

Habang ang mga sugatan naman ay sina Sgt Dennis Bananao ; PFC Melvin Danggalan , PFC Abegil Awingan at PFC Riel Angya.

Nabatid na nitong linggo nang makaranas ng masungit na panahon ang probinsya at malalakas na pagkulog at pagkidlat na hindi naman naging hadlang sa tropa ng 54th Infantry Battalion sa kanilang isinasagawang security operations sa lugar.

Pero, nauwi ito sa trahedya matapos na tamaan ng kidlat ang mga sundalo na ikinasawi nina Monterubio at Aronchay.

Samantala, nagpaabot ng pakikiramay si 5ID Commander MGen Audrey Pasia sa pamilya ng 2 nasawing sundalo.

Aniya, itinuturing na inspirasyon ng 5ID ang nangyari sa kanilang tropa, dahil sa kabila ng masungit na panahon ay hindi naging hadlang upang tumigil sa pagtugis ng mga natitirang kasapi ng mga makakaliwang grupo upang mawakasan ang insurhensiya sa bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *