Timbog ang dalawang katao na kinabibilangan ng menor de edad matapos mabilhan di umano ng ilegal na droga sa inilatag na drug buy bust operation sa Brgy. Baniket, Angadanan, Isabela noong gabi ng June 18, 2021.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Angadanan, ang mga suspek ay sina John Philip Barroga, 33 anyos, may asawa, walang trabaho at isang menor de edad na itinago sa pangalang Joey, 14 anyos, estudyante na kapwa residente ng Calabayan Minanga, Angadanan, Isabela.
Unang nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang PNP Angadanan sa pamumuno ng kanilang OIC-COP na si PMaj. Ardee Tion, Provincial Intelligence Unit ng IPPO sa pangunguna ni PLTCol. Eugenio Mallilin, at PDEA Isabela sa pangunguna ni Agent Darryl Damazo na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga suspek.
Nakuha sa direktang pag-iingat ng dalawa ang tatlong piraso ng maliit natransparent sachet na naglalaman ng umanoy shabu na may Dangerous Drug Value na 3,000 pesos at 500 peso bill na marked money.
Nakumpiska rin ang isa pang plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalang shabu na may DDB value na 6,000 pesos, isang zip lock sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at may DDB Value na 3,600 pesos, isang comoflauge holster, 3,000 pesos na boodle money, isang cal. 38 pistol na.may tatlong bala, isang unit ng cellphone at isang toyota innova na ginamit sa transaksyon.
Sa pakikipag-ugnayan ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, todo tanggi ang mga suspek at iginiit na hindi sa kanila ang narekober na mga kontrabando.
Gayunman sa karagdagang impormasyon na nakalap ng ating himpilan, si Barroga ay kabilang sa DI list ng PNP at PDEA.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Angadanan ang dalawang suspek para sa isasagawang dokumentasyon. Nakatakda namang ipasakamay sa DSWD ang nahuling menor de edad para sa kaukulang disposisyon.