Patay ang isang 19 anyos na lalaki matapos malunod sa irrigation canal sa bahagi ng Brgy. San Antonio, Ramon, Isabela noong hapon ng June 11, 2021.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Noli Cipriano, ang OIC Chief of Police ng Ramon Police Station, ang biktima ay kinilalang si Jerry Romero at residente ng Brgy. Rizal, Santiago City.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, galing umano sa Santiago City ang biktima kasama ang dalawang iba pa at patungo sana sa Brgy. Pagrang-ayan sa bayan ng Ramon upang magtungo sa kaniyang kamag-anak.
Tumigil aniya sila sa irigasyon sa Brgy. San Antonio para hugasan ang kanilang lulang tricycle.
Ayon pa kay PLt. Cipriano, habang nasa irigasyon kanal ay bigla nalang umanong tinangay ng malakas na agos ng tubig si Romero.
Sinubukan pa umanong iligtas si Romero ng kaniyang mga kasamahan subalit nabitawan din siya hanggang sa tuluyan nang matangay ng agos.
Agad namang rumesponde ang kapulisan at ang rescue team ng bayan ng Ramon matapos makatanggap ng tawag kaugnay sa drowning incident sa nabanggit na lugar.
Sinabi pa ni PLt. Cipriano na narekober ang katawan ni Romero na wala nang buhay sa di kalayuan kung saan sila naghuhugas ng tricycle.
Naiuwi na rin kahapon sa kanilang tahanan sa syudad ng Santiago ang mga labi ni Romero.
Ayon pa sa Hepe, may kalaliman sa ngayon ang tubig sa main irrigation canal dahil sa mga naranasang pag-ulan sa nagdaang araw.
Nagpaalala naman si PLt. Cipriano sa mga residente na hanggat maari ay huwag nang maligo sa irigasyon lalo pa’t ipinagbabawal din ito anya dahil sa umiiral na panuntunan ngayong may pandemya.
Tiniyak din nito ang palagiang pag-iikot ng kanilang tropa sa mga irigasyon sa kanilang nasasakupan upang paalalahanan ang mga residente at hindi maulit ang naturang insidente.