KORONADAL CITY- LUMAGDA na sa Memorandum of Agreement (MOA) ang 133 na mga bagong scholars ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 12 para sa school year 2021-2022.
Ito ay sa ilalim ng Education for Development Scholarship Program o EDSP at OFW Dependent Scholarship Program o ODSP.
Ang EDSP ay isang scholarship grant sa mga qualified dependents ng active OWWA members na gustong kumuha ng 4 hanggang 5-year baccalaureate course sa kahit saang kolehiyo o unibersidad. Makakatanggap ang mga ito ng P 60,000 na financial assistance kada school year.
Samantala, ang ODSP ay nagbibigay naman ng educational assistance na P20,000.00 per school year sa mga qualified dependents ng active OWWA member na may buwanang sahod na hindi lalagpas sa $ 600 USD.
Sa kasalukuyan, ang OWWA 12 ay mayroong 79 mga scholars sa EDSP at 356 naman sa ODSP.
Sa kanyang mensahe, binati ni OWWA regional director Marilou Sumalinog ang mga scholars at hinikayat ang mga ito na magpursige sa kanilang pag-aaral upang maabot ang kanilang mga pangarap at makatulong sa miyembro ng kanilang pamilya na nagsasakripisyo sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
