KORONADAL CITY — KASALUKUYANG nagpapagaling ngayon sa iba’t-ibang mga ospital ang 13 katao na sugatan sa nangyaring salpukan ng SUV at pampasaherong van kahapon ng hapon sa national highway, Purok 5 Lauyan, Barangay Dumadalig, Tantangan, South Cotabato.
Pawang sugatan ang mga sakay ng Mitsubishi Montero na kinilalang sina Hadji Abdulsalam Abdulrahman Mohammad, driver at residente ng Mamasapano, Maguindanao at mga pasaherong sina Jainab Barakat Usman; Aleya Malbel Mohammad; Abdulrahman Gampong; at Norhata Saluag, pawang mga residente ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.
Sa pampasaherong van naman, sugatan din ang driver na si Jonathan Daclis, nasa legal na edad at residente ng Koronadal City at mga pasahero nitong sina Imelda Vicente, 49; Bryan Ramos, 18; Heraclene Lama, 19; Ruth Baravilla, 22; Brian Lozarita, 21; at Jasson Jun Magdael , 31.
Sugatan din sa aksidente si Benjamin Ferrer, tricycle driver na residente ng Barangay Dumadalig, Tantangan.
Ayon sa mga testigong nakakita sa aksidente, iniwasan ng Montero ang tricycle na biglang sumulpot sa unahan nito dahilan kung bakit sumalpok ito sa kasalubong na van.
Sa ngayon, tuloy ang imbestigasyon sa nabanggit na aksidente.
