BNFM BICOL— Nasa 13 mga barangay sa bayan ng Virac, Catanduanes ang idineklarang Drug Cleared at Drug Free barangays sa isinagawang deliberasyon ng Regional Oversight Committee sa islang lalawigan nitong nakaraang araw ng Miyerkules sa Provincial Capitol Building ng nasabing bayan.
Sa naturang aktibidad, tinukoy ang mga barangay ng Buyo, Constantino, Danicop, Gogon Centro, Ibong Sapa, Lanao, Palnab Del Sur, San Vicente, Simamla at Sogod Tibgao Bliss bilang mga Drug Cleared barangays.
Samantala, ang mga barangay naman ng Dugui Too, Dugui San Vicente at Dugui San Isidro ay idineklarang Drug Free barangays ng PDEA.
Nangangahulugan lamang na ang mga barangay na ito sa bayan ng Virac ay hindi na apektado ng iligal at ipinagbabawal na droga.
Kaugnay nito, inihayag ng PDEA na sa kasalukuyan ay umabot na sa 33 mula sa 48 mga barangay sa Virac na apektado ng iligal na droga ang konsiderado nang Drug Cleared habang 15 mga barangay naman ang Drug Free o hindi apektado ng ipinagbabawal na gamot.
Sa tulong ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, ang Barangay Drug Clearing Program ay patuloy umano sa pagpupursige na mapalakas ang kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga upang hindi na ito kumalat pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at tuluyang makasira sa kinabukasan ng mga kabataan at pamilyang Pilipino.###