116 patay matapos ang riot sa loob ng bilangguan sa Ecuador

Desperadong nagluluksa at naghihintay sa labas ng bilangguan sa Ecuador ang pamilya ng mga bilanggo matapos na malaman na nagresulta sa 116 na patay na bilanggo ang nangyaring riot sa Guayas prison complex.

Ayon sa report, posibleng abutin ng ilang araw ang pagtukoy sa mga namatay dahil marami sa mga ito ang nagkahiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan.

Hindi naman masyadong malinaw ang totoong nangyayari sa loob ng Guayas prison complex lalo na at base sa report, naririnig sa loob ang mga pagsabog at mga putok ng baril.

Aminado naman ang mga otoridad na posibleng tumaas pa ang bilang ng mga nasawi kasunod ng pagpasok ng mga security forces para maibalik ang kaayusan sa bilangguan.

Sinabi ni Police Commander Tannya Varela na hindi pa tuluyang nababawi ang kontrol sa bilangguan kaya posibleng marami pang bangkay sa loob habang posibleng mamatay ang ilan sa mga nasugatan.

Maituturing itong pinakabayolenteng gang-related violence sa kasaysayan ng Ecuador.