LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na mas mababa ang mga kaso ng COVID-19 sa peryodo mula Setyembre 18-24 ngayong 2022 sa buong rehiyon, kung ikukumpara sa mga naitala noong nakaraang taon sa parehong peryodo, sa kabila ng pagpatupad ng boluntaryong pagsusuot ng facemask sa bansa.
Ayon sa kagawaran, nagkaroon ng 92% na pagbaba ng mga kaso sa nasabing sakit ngayong taon sa nasabing peryodo kung saan mahigit tatlong libo ang naitala noong 2021, mas mataas kung ikukumpara ngayon na nasa 278.
Dahil dito, nagpapasalamat umano ang DOH Bicol sa lahat ng mga sektor tumulong upang mapalakas ang pagbabakuna, mga nasa pamahalaan, mga Bicolano, gayundin naman ang mga taong sumunod sa ipinatutupad na safety protocols, mga nagpapabakuna o nagpapabooster at marami pang iba.
Kung hindi umano dahil sa kanila ay hindi magkakaroon ng pagbaba at posibleng tataas pa ang mga kaso hanggang ngayon.
Kung babalikan, inapbrubahan ni Pang. Bongbong Marcos ang pagpapatupad ng boluntaryong pagsuot ng facemask sa bansa noong September 12 at kapansin-pansin agad ang resulta o ang pagbaba ng kaso ng sakit sa rehiyon.