Sampung tao ang patay habang 32 ang sugatan matapos mabagsakan ng bahagi ng bundok ang ilang bangkang sinasakyan ng mga turista sa isang leisure lake sa Brazil.
Ayon sa report, posibleng lumambot ang lupa dahil sa ilang araw na pag-ulan sa Minas Gerais state.

Makikita sa ilang video na lumabas na sinubukan na paalisin ang mga bangka ng mga nakapuna sa napipintong pagbagsak ng bahagi ng bundok pero hindi sila narinig.
Sa report ng mga otoridad, tatlong bangka ang nabagsakan ng bumagsak na bahagi ng bundok na nagresulta din ng pagkawala ng 20 iba pang pasahero.
Sinisikap pa ng mga otoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nasawi dahil sa matinding pinsalang tinamo ng mga ito.