Changsa City, CHINA—Talagang iba ang galaw ng teknolohiya sa bansang China dahil ang mga gusaling normal na itinatayo sa loob ng mahabang panahon ay kaya na nilang gawin sa loob lamang ng mahigit isang araw.
Sa lungsod ng Changsa ng nasabing bansa, umabot lamang ng 29 na oras bago naitayo ang sampong palapag na apartment na alinsunod umano sa pinaka latest nilang modular building system na “Living Building.”
Ang nasabing gusali ay itinayo ng construction company na “Broad Group” at ayon sa pamunuan nito, nagawang posible ang pagtatayo nila ng nasabing gusali dahil sa paggamit ng “modular components.”
Inihalintulad ang konstruksiyon ng 10 storey apartment sa pagbuo ng isang kotse kung saan ang mga modular components na bumubuo sa gusali ay nagawa na sa isang factory at ibina-biyahe na lamang papunta sa construction site.
Naiiba ang katangian nito dahil sinasabing ito umano ay 100 beses na mas matibay kaysa sa nakasanayang gusali, hindi rin ito mapapatumba ng mega earthquakes at maging ng malakas na bagyo kaya’t maaari itong itayo upang gawing residential house at maging opisina.|| JUMEL DELA ROSA