BICOL – TINATAYANG nasa isanlibong trabaho ang naghihintay sa mga job seekers na lalahok sa ikakasang isang araw na “Trabaho, Negosyo and Kabuhayan (TNK) and Business Opportunities” ng Department of Labor and Employment o DOLE-Bicol bukas, Disyembre 8.
Ayon kay Johana Vi Gasga, DOLE-Bicol spokesperson, ang isasagawang one-day jobs fair ay kaugnay sa selebrasyon ng ika-88 taong anibersaryo ng DOLE at sa pakikipag tulungan ng mga concerned government agencies.
Sinabi pa nito na kahit sa Ayala Malls sa lungsod ng Legazpi isasagawa ang naturang aktibidad ay maaari naman umanong magpadala ng aplikasyon online ang mga job seekers na hindi makakapunta para sa face to face application.
Kinakailangan lamang umanong mag register sa dole5 job fair link na makikita sa kanilang fb page ng lahat ng mga aplikante.
Magsisimula ang jobs fair simula alas 10 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon.
Dagdag pa nito, ipakita lamang ang screenshot ng profile kasama ang valid id, sumagot sa health declaration form at ipakita ang vaccination card saka maaari nang magtungo sa waiting room.
Para naman sa mga online applicants, mag log-in lang sa registered account sa mismong araw ng jobs fair, i-submit ang mga hinihinging requirements ng preferred employers at maghintay ng kanilang tugon.
Layon umano ng TNK and Business Opportunities ng DOLE na tugunan ang problema sa unemployment, underemployment, at jobs mismatch sa rehiyon.