Kasabay ng selebrayon ng Department of Labor and Employment Regional Office 2 ng kanilang ika- 88 na anibersaryo sa Malvar, Santiago City ay isasagawa rin ang vaccination drive sa mga construction workers.
Ito ay sa ilalim pa rin ng programang Rebound, Reform, Recover: 1 Million Jobs for 2021 ng ahensya katuwang ang Department of Health.
Inihayag ni DOLE Region 2 Information Officer Chester Trinidad sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, maaari lamang magtungo ang mga employers o manggagawa na hindi pa bakunado sa mga field office ng ahensya upang mapabilang sila sa vaccination drive.
Sa ngayon aniya ay mayroon nang anim na batch ng vaccination drive ang isinagawa ng DOLE RO2 kung saan 3 sa Isabela habang tig-iisa sa Cagayan, Nueva Vizcaya at probinsya ng Quirino.
Mula sa 6 na batch ng vaccination drive ay nasa 1,500 na construction workers na ang nabakunahan kontra COVID-19.
Ayon pa kay IO Trinidad, ang nasabing bilang ng construction worker na nabakunahan ay malaki na ang posibilidad na magkaroon ng trabaho na hatid ng DOLE at iba pang pribadong sector.
Nagkaroon na umano ng koordinasyon ang ahensya sa Employers Confederation of The Philippines para sa 452,000 na bakanteng trabaho na nakalaan sa mga nasabing manggagawa.
Bagaman walang naibigay na target umanong mabakunahan sa ilalim ng nasabing programa sa rehiyon ay magpapatuloy pa rin ang vaccination drive ng ahensya para sa mga construction worker para sa tiyansang magkatrabaho.
Bukod sa construction worker, maaari ring mapabilang sa programa ang mga magsasaka o agricultural workers at kailangan lamang magpa-register ang mga ito sa field offices ng DOLE.