LEGAZPI CITY – Sinimulan ng City Government ng Legazpi ang Ground breaking ceremony kasabay ang mga barangay officials para sa P1.2M pisong proyektong patubig sa Brgy. Maslog ng nasabing lungsod.
Ayon kay Mayor Noel Rosal ng Legazpi, inaasahan sa mga susunod na araw ay sisimulan na ang pagpapatrabaho ng water system sa nabanggit na barangay. Aniya, idinulog ni Barangay kapitan Felicidad Olimpo sa lokal na pamahalaan na magkaroon ng bagong water system dahil nasira ang dati nilang pinagkukunan ng supply ng tubig, dahil sa patay sindi ang supply ng kuryente.
Malaking problema ngayon ng ilang residente ang pagkukuhanan ng tubig kung kayat kinakailangan pa nilang dumayo sa mga sitios para lang magkaroon ng tubig sa kanilang tahanan.
Layunin ng proyekto ay para maging maayos ang pinagkukunan ng tubig at hindi na rin mahirapan pa kumuha ng supply ng tubig ang mga residente. Ito na rin ang ikapitong sa mga proyektong patubig sa lungsod na patuloy ang konstruksiyon sa ibat ibang barangay at inaasahan umano na matatapos ang mga ito sa loob ng dalawang buwan.
Sinabi ng opisyal, mahigit kumulang na sa P10M ang inilaan na pondo sa mga proyektong patubig ng lungsod. Ayon naman kay Kapitan Olimpo, matagal na itong pinoproblema ang kawalan ng tubig sa lugar kung kayat laking pasasalamat din nito sa Alkalde ang kanilang kahilingan ay maisasakatuparan na rin. Aabot sa mahigit kumulang sa 100 household umano ang mabebenipisyuhan ng nasabing proyekto ng lungsod.