Arestado ang apat na kalalakihan matapos ang isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad kaninang umaga, November 28, sa kahabaan ng Purok 1, Brgy. Abut, Quezon, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Eric”, 25-anyos, magsasaka; alyas “Troy”, 32-anyos, walang trabaho; alyas “Jes”, 18-anyos, walang trabaho, at alyas “August”, 28-anyos, walang trabaho at pare-parehong residente ng Kalinga Province.
Anim na kahon na puno ng mga marijuana leaves ang nasamsam sa mga suspek kung saan naglalaman ito ng 12 piraso ng oblong shape trasparent plastic wrap at 64 piraso ng rectangular shape transparent plastic.
Sa kabuuan, may timbang na MOL 100 kilograms ang narekober na may Standard Drug Price na P12-Million.
Bukod sa bulto-bultong marijuana, nasakote rin mula sa mga suspek ang isang baril na mayroong 12 bala. Kasama rin dito ang isang piraso ng one thousand peso bill, P499,000 na boodle money; 150 na piraso ng tig-500 na boodle money; isang unit ng Honda XR150, at isang traysikel na siyang ginamit na sasakyan ng mga suspek.
Ang mga naarestong suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng PDEG SOU2 at ang mga nakumpiskang mga ebidensiya ay nasa pangangalaga na ng PNP Crime Laboratory sa Roxas, Isabela.