Natukoy na ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City ang traysikel drayber sa likod ng viral post ng isang netizen kahapon, November 28, 2023.
Una rito, nag-viral ang facebook post ng netizen kaugnay sa traysikel drayber na idinala umano ang kaniyang pasaherong estudyante sa tapat ng isang sementeryo at pilit kinukuha ang contact number nito.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay POSD Chief Pilarito Malillin, alam na anila ang pagkakakilanlan ng drayber subalit hindi muna ito papangalanan upang hindi madiskaril ang kanilang operasyon.
Aniya, kung mapapatunayan ang nangyari ay sasampahan ito ng kaukulang kaso.
Payo naman ni Chief Malillin, maaaring pumunta ang mga complainant sa kanilang opisina o sa Cauayan City Police Station para sa formal complaint.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng Brigada News Team ang tugon ng naturang netizen upang malaman kung magfa-file pa sila ng formal complaint sa drayber.
Kaugnay nito, umapela naman si Chief Mallilin sa mga estudyante na umuwi na kaagad sa kaniya-kaniyang mga tahanan pagkatapos ng kanilang mga pasok sa eskwela.