Ipinag-utos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang agarang pagsasagawa ng pre-emptive at force evacuation sa mga residente na nasa coastal town ng Cagayan bunsod ng posibleng epekto ng super typhoon Egay.
Ito ang inihayag ni PDRRMO Chief Rueli Rapsing matapos itaas sa signal No. 3 ang ilang bayan sa Cagayan.
Posibleng umabot aniya ng tatlong metro ang taas sa coastal areas ng Sta Ana, Gonzaga, Sanchez Mira, Pamplona, Claveria at Aparri.
Kaugnay rito, inihahanda na rin ng lalawigan ang iba’t ibang food at non-food items na kanilang kakailanganin sa kasagsagan at pagkatapos ng bagyo.
Nakahanda na rin sa bawat mga Quick Response Team stations ang tig-tatlong floating assets, isang ambulansiya, isang rescue car at iba pang mga search vehicle. Maging ang mga heavy equipments ay nakaayos na rin sa PDRRMO.
Samantala, sinuspinde na ang klase sa lahat ng antas, trabaho sa gobyerno at mga pribadong establishimento maliban sa frontline agencies na nagbibigay ng emergency services simula ngayong araw.