BNFM BICOL– Nasa state of decomposition na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa loob mismo ng kanyang tirahan sa Moonwalk, Barangay Calatagan Proper sa bayan ng Virac, Catanduanes umaga nitong Lunes.
Batay sa ulat ng Catanduanes Police Provincial Office, nadiskubre ito ng isang magsasaka na patungo sana sa palayan, nang mapadaan ito sa isang kubong tila pinagmumulan ng masangsang na amoy.
Matapos tingnan at usisain, dito niya nakita ang naaagnas nang bangkay na agad niya namang ipinagbigay alam sa mga otoridad.
Sa paunang imbestigasyon ng Virac PNP, kinilala itong si Rudy Belga, isa umanong laborer, tubong Bacacay, Albay ngunit mahigit 30 taon nang naninirahan sa Virac nang mag-isa at walang pamilya o kamag-anak.
Sa salaysay naman ng kapitbahay nito, Pebrero 28 pa nang huli nilang makitang buhay ang biktima.
Ayon sa PNP, wala silang nakikitang ‘foul play’ sa insidente kung kaya’t matapos itong maisailalim sa post mortem examination ay agad namang binigyan ng disenteng libing sa tulong ng lokal na pamahalaan.###