Bistado ang tatlong kalalakihan sa kanilang modus operandi na pagnakawan ang kanilang employer sa Diadi, Nueva Vizcaya matapos ang isinagawang masusing imbestigasyon ng kapulisan.
Ayon sa Diadi Police Station, kinilala ang mga nagpanggap na nanakawan na kalauna’y natukoy rin na suspek na sina alyas Christian, 21-anyos, drayber at dalawang helper nito na sina Jason, residente ng San Roque, Angadanan at Jerick, 25-anyos na residente naman ng Marabulig 1, Cauayan City.
Una rito, nagtungo umano sa himpilan ng pulisya ang tatlo upang isuplong na nanakaw umano ang bayad ng kanilang ibinabiyaheng produkto na nagkakahalaga ng P250, 000.
Salaysay ng mga ito, sinira umano ng mga kawatan ang likureang bahagi ng container van na kanilang sasakyan at nilimas ang nasabing pera.
Habang lumabas naman sa imbestigasyon ng kapulisan na gawa-gawa lamang ng tatlo ang kanilang kwento upang makuha ang pera na itinago lamang nila.
Bukod dito, nakuha pa kay Christian ang mahigit P70, 000 na halaga ng pera at ang sinabing nawawalang pera ay itinago lamang nila sa likod ng sasakyan.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Diadi ang tatlo at nahaharap sa kasong Qualified Theft.