LEGAZPI CITY – Kamakailan ay inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) Bicol na luluwagan nila ngayong Kapaskuhan ang polisiyang ‘no registration, no travel’.
Sa ilalim nito, ang mga LTO enforcers ay inaatasan lamang na warningan ang mga driver ng hindi rehistradong sasakyan.
Layunin umano nito na hindi na madagdagan ang stress ng mga Pilipino ngayong sasapit ang Pasko.
Subalit, ayon naman kay LTO Bicol Regional Director Francisco Ranches, Jr., hindi naman ito nangangahulugan na palalagpasin na ang lahat ng mga hindi sumusunod sa mga ipinatutupad na polisiya.
Sa panayam sakanya ng Brigada News FM Legazpi, sinabi niya na hindi dapat ma-misinterpret ng publiko ang pagluluwag sapagkat paparahin pa rin naman sila at kukunin ang mga pangalan.
Paglilinaw niya, ang mga nagmamaneho na walang suot na helmet, walang lisensya, hindi nakasuot ng seatbelt at involved sa reckless driving, huhulihin pa rin at mapapatawan ng karampatang penalidad.
Hindi rin umano ligtas ang mga colorum ng sasakyan sapagkat may kaibahan naman ito sa unregistered vehicle.
Samantala, binigyang-diin pa ni Ranches, hindi naman panghabam-buhay ang pagluwag sa ‘no registration, no travel’ policy, kundi ngayong Christmas season lamang ito at pagsapit ng Enero sa susunod na taon, babalik na ulit ang LTO sa mahigpit na pagpapatupad ng nasabing polisiya.