Paggalaw umano ng active fault sa karagatang sakop ng Dalupiri, Calayan ang nakikitang dahilan ng Philippine Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa nangyaring lindol noong ika-12 ng Setyembre.
Batay sa bulletin na inilabas ng ahensiya, ang lindol ay mayroong lakas na 6.4 magnitude, intensity VI at mayroong 31 km na lalim.
Sa nakuhang impormasyon ng Brigada News Team sa Director ng PHIVOLCS na si Dr. Teresito Bacolcol, hindi bababa aniya sa dalawang segment ng active fault ang mayroon sa naturang lugar.
May posibilidad din aniya na magkaroon ng “stress transfer” kung saan maaaring ma-absorb ang isang active fault kung ang isa pang active fault ay gumalaw na siya namang magiging sanhi ng sunod-sunod na paglindol.
Samantala, sa naging monitoring ng PHIVOLCS mayroon na umanong 102 aftershock mula 1.5 hanggang 3.7 magnitude ang naranasan matapos tumama ang lindol kaya naman patuloy na pinag-iingat ang lahat at maging alerto.
Kapag naranasan muli ang paggalaw ng lupa, pagbabago sa sea level, at kakaibang tunog ng alon sa dagat ay mas mainam na lumikas na kaagad sa mga ligtas na lugar upang maiwasan ang trahedyang posibleng maidulot ng tsunami.