“Young guns” sa Kamara, rumesbak kay Senate Minority Leader Koko Pimentel

Bumuwelta ang tinaguriang “Young Guns” sa Kamara kay Senate Minority Leader Koko Pimentel kasunod ng naging komento nito hinggil sa kontrobersyal na New Senate Building project.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, halos lahat ay pinuri ang desisyon ni Senate President Chiz Escudero na suspendihin ang konstruksyon ng bagong gusali para sa ikakasang comprehensive review maliban kay Pimentel.

Sa halip aniya na banatan ang mga kongresista, mas makabubuting suportahan pa ang kanilang posisyon sa pasya ng Senate leadership na itaguyod ang prinsipyo ng mabuting pamamahala.

Read More:  Comelec issues subpoena to contributor in Escudero’s election campaign

Giit ni Khonghun, di nila maunawaan kung bakit nagagalit si Pimentel sa kanila.

Hindi rin makatwiran para kay Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon ang paglilihis umano ng senador sa usapin tulad ng pagkukumpara sa budget ng dalawang Kapulungan.

Ipinunto ni Bongalon na malinaw na wala namang building project ang Kamara na nagkakahalaga ng mahigit 23 billion pesos kaya “misleading” ang pagtatangkang palutangin ang pagtaas ng pondo ng Mababang Kapulungan.

Read More:  BI proposes P247 airport fee for security modernization

Dagdag pa ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez, walang dahilan para maging balat-sibuyas o magdamdam ukol sa pambabatikos sa gastos ng Senado dahil bilang public officials ay dapat umanong maging bukas sila sa pagbusisi lalo na sa paggamit ng pera ng taumbayan.

Sinabi naman ni La Union Representative Paolo Ortega na dapat magtulungan ang Senado at Kamara upang matiyak ang fiscal responsibility at mapanatili ang transparency at accountability.