LEGAZPI CITY – Naitala ang isang wildfire o bushfire sa ibabaw ng bundok na bahagi ng Sitio Canggao, Brgy. Quitago, bayan ng Guinobatan kagabi.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Guinobatan Fire Station Chief Operations Officer Senior Fire Officer 3 Herle Barrios, sinabi niya na matapos nilang matanggap ang impormasyon ukol sa insidente, agad nilang pinuntahan ang lugar at naabutang nilang medyo marami na ang apoy sa lugar.
Aniya, hindi lang ito nasa isang banda, kung saan may ilang porsyon din ang nadamay tulad sa bahagi na sakop ng Brgy. Quibongbongan at Brgy. Bariw ng Camalig.
Samantala, bandang alas 10 kagabi nang ma-clear ang lugar, at tiniyak namna ni Barrios na walang nasaktan sa insidente.
Patuloy naman ang paalala ng kanilang opisina na kung pupunta sa mga bundok ay huwag magdadala ng mga bagay na posibleng pagmulan ng apoy tulad ng sigarilyo, at iba pa.