SORSOGON CITY – Hinainan na ng warrant of arrest ng Sta Magdalena Police ang kanilang No.4 most wanted person na may kinakaharap na kasong panghahalay sa bayan ng Bulan, Sorsogon.
Naaresto sa Bulan Fishport sa Brgy Zone 4 ang 20-anyos na si Franco Forte Corre, binata, mangingisda at residente ng Brgy San Isidro, Sta Magdalena.
Nakasaad sa ulat ng pulisya na ang krimen ay naganap noong Pebrero ng nakaraang taon subalit buwan nang Hunyo ng parehong taon nang magresklamo sa himpilan ng pulisya ang ina kasama ang biktima.
Sa salaysay ng biktima na 15-anyos noon, naglalakad umano siya sa dalampasigan nang biglang sumulpot ang suspek at hinablot ang kanyang kamay at kinaladkad siya sa madilim na parte ng dalampasigan saka pinagsamantalahan. Amoy alak umano ang suspek.
Bunsod nito ay nagsimula nang magsagawa ng manhunt ang tracker team ng pulisya hanggang sa matunton nila ang suspek, gabi noong Hunyo 17 nitong taon sa fishport ng nasabing bayan.
