Patay ang isang walong taong gulang na bata matapos itong malunod sa isang ilog na sakop ng Iguig, Cagayan. Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang biktima sa pangalang Kaith at residente ng Barangay Ajat. Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni MDRRMO-Iguig head Susan Darauay na nalunod ang biktima noong June 10 at kaninang umaga lamang natagpuan ang katawan nito. Una rito, naglalaro umano ang biktima kasama ang kaniyang kaibigan nang mapagpasyahan nilang maligo sa ilog ngunit dahil sa lakas ng agos ng tubig ay natangay ang biktima. Sinubukan naman umanong sagipin ang biktima ng kaniyang mga kaibigan na pawang menor-ded-edad ngunit hindi na ito kinaya pa dahil sa lakas ng agos ng tubig sa ilog. Matapos ang insidente ay ipinag-bigay alam nila ito sa tanggapan ng MDRRMO na agad namang nagsagawa ng search and retrieval operation hanggang sa mahanap ang katawan ng biktima kaninang umaga sa Barangay San Isidro. Patuloy naman na nagpaalala ang mga otoridad na bantayan ang mga bata at huwag hahayaan maligo sa mga ilog lalo na kung malakas ang agos ng tubig upang maiwasan ang kaparehong insidente.