Binigyang diin ng isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST) na walang rason para itigil ang inoculation gamit ang American-made Pfizer vaccines sa Pilipinas, sa kabila na may mga bagong naiulat na side effects.
Ito’y kasunod ng paglalabas ng babala mula sa US Food and Drug Administration (FDA) kaugnay sa rare cases ng myocarditis o heart inflammation sa mga young adults at adolescents, matapos mabakunahan gamit ang Moderna at Pfizer jabs.
Pero ayon kay Dr. Jaime Montoya, DOST–Philippine Council for Health Research and Development executive director at isang infectious disease expert, ang adverse effect ay hindi naman permanente.
Mahalaga parin umanong tandaan na ang naturang mga side effects ay talagang posibleng nangyayari matapos mabakunahan ng Pfizer at Moderna, pero hindi nangangahulugan na may namamatay.
Paliwanag pa ng health expert, nadiskubre ng US authorities na ang mga nakaranas ng heart inflammation ay posibleng mayroong viral infection. // MHEL PACIA-TRINIDAD
