CAMARINES NORTE – Inilabas ng DILG Camarines Norte Provincial Office ang video guide para sa pagpili ng punong barangay para sa BSK Elections ngayong taon.
Base sa inilabas na video guide, ang pagtakbo umano bilang Punong Barangay ay isang seryosong usapan. Ipinakita rin sa video ang mga dapat tandaan kung kayo ay nagbabalak tumakbo bilang isang Punong barangay.
Base sa Section 391 hanggang 392, Book III ng Local Government Code of 1991, ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Punong Barangay ay magpatupad ng lahat ng batas at ordinansa, makipagkasundo at lumagda ng mga kasunduan para at sa pangalan ng Barangay, kung binigyang-kapangyarihan ng Sangguniang Barangay.
Nakapaloob rin sa nasabing Local Government Code of 1991, ang Punong Barangay ay may tungkuling magpanatili ng kaayusang pangmadla, tumawag at mamuno sa mga sesyon sa Sangguniang Barangay, magtalaga o magpalit ng ingat-yaman, kalihim, at iba pang itinalagang opisyal.
Dagdag pa rito ang pagtatag at pangunahan ang isang emergency group kung kinakailangan, maghanda ng taunang budget na tagapagpaganap at karagdagang budget, magpatupad ng mga regulasyon para pigilan ang polusyon at pangalagaan ang kapaligiran, magdaos ng isang taunang palarong pambarangay na magtatampok ng mga palarong tradisyunal at ganapin ang iba pang kapangyarihan at tumupad sa iba pang tungkuling maaaring itakda ng batas.
Nagpaalala rin ang nasabing tanggapan na pumili ng karapat-dapat na kandidato.
