Vhong Navarro sinampahan ng rape sa Taguig City Prosecutor’s Office

Sinampahan ng kasong rape ng Taguig City Prosecutor’s Office si Ferdinand “Vhong” Navarro sa Taguig Regional Trial Court kaugnay sa umano’y panggagahasa sa model-stylist na si Deniece Cornejo noong 2014.

Kaugnay nito, inakusahan ng mga piskalya si Navarro ng panghahalay sa biktima sa pamamagitan ng “force, threat, and intimidation” at nilasing umano si Cornejo noong Enero 17, 2014.

Ipinag-utos naman ng Taguig RTC na itigil ang pag-raffle ng kaso hanggang sa maresolba ang motion for reconsideration at urgent motion ni Navarro para sa pagpapalabas ng status quo ante order mula sa Court of Appeals.

Matatandaan na noong Abril 2018, ibinasura ng Department of Justice ang petition for review na inihain ni Cornejo, na hinahamon ang resolusyon noong Setyembre 2017 na lumitaw na walang nakitang probable cause para sampahan ng kaso si Navarro sa korte.

Pero hindi kinatigan ng CA ang resolusyon ng DOJ noong nakaraang buwan, at inatasan ang City Prosecutor ng Taguig na magsampa ng kasong rape at acts of lasciviousness laban sa TV host-actor.