CAMARINES SUR- Inaasahan ng mga vegetable growers sa Libmanan, Camarines Sur ang marami at magandang kalidad ng ani ngayong tag-ulan.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Lito Redecilla, founder ng Mambulo Nuevo Rural Workers Association sa nasabing bayan, napakalaking benepisyo ng tag-ulan para mas mapaganda ang kalidad ng kanilang pananim. Maliban sa hindi na sila mamomroblema sa tubig na pandilig, maihahanda rin nito ang lupang pagtatanamnan na labis na natuyo noong tagtuyot. Ilan sa mga inaasahan nilang dadami ang ani ay ang kalabasa, okra at sitaw. Kahit na nga may kinaharap na problema sa ilang pananim tulad ng kamatis, nananatiling positibo ang grupo sa masaganang ani.
Sa ngayon, pinaghahandaan nila ang posibleng pagsilabasan at pag-atake ng mga peste ngayong tag-ulan tulad ng whitefly at armyworm sa mga pananim. Ginagawa na rin nilang mas malalim ang mga kanal sa gilid ng taniman upang magkaroon ng maayos na daloy ng tubig.