US may pinaplanong 36 na proyekto sa Pilipinas sa ilalim ng EDCA

Plano ng US na magpatupad pa ng mga proyekto dito sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperative Agreement o EDCA.

Ito ang iniulat ni US Defense Secretary Lloyd Austin, kasunod ng naging pagpupulong nila ni Pangulong Bongbong Marcos sa Pentagon, sa sidelines ng trilateral summit sa Washington.

Ayon kay Austin, humiling si US President Joe Biden ng 128 million USD sa kanilang congressional budget allocation, para daw isakatuparan ang 36 na mga proyekto sa bansa sa ilalim ng EDCA.

Ang naturang halaga ay doble sa halaga ng mga nainvest na ng Amerika sa EDCA sites sa Pilipinas.

Ang EDCA ay kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na pinagtibay noong 2014.

Layunin nitong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa larangan ng seguridad at depensa.

Sa pamamagitan ng EDCA, pinapayagan ang pagpapadala ng mga tropa at kagamitan ng militar ng Estados Unidos sa ilang lugar sa Pilipinas para sa pagsasanay, pag-ambag sa pagresponde sa kalamidad, at iba pang gawain may kaugnayan sa seguridad.

Noong 2016, tinukoy ang limang EDCA sites sa bansa, kabilang dito ang Antonio Bautista Airbase sa Palawan, Basa Airbase sa Pampanga, Benito Ebuen Airbase sa Cebu, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at ang Lumbia Airport sa Cgayan de Oro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *