Unliquidated transactions sa procurement ng medical supplies noong pandemya, kinuwestyon sa pagdinig ng Kamara

Nabahala si Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred delos Santos sa napaulat na “unliquidated” transactions mula sa 47.6 billion pesos na inilipat mula sa Department of Health patungo sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.

Sa oversight hearing ng House Committee on Appropriations, kinuwestyon ni delos Santos ang dalawang bilyong piso na hindi pa alam kung saan na napunta kasunod ng umano’y maanomalyang pagbili ng medical equipment at supplies sa Pharmally.

Kailangan aniyang makita ang mga dokumento upang malaman kung gaano kalaki ang mga transaksyon at upang may magawa ang Kongreso lalo’t malaking pera ang pinag-uusapan.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Inisa-isa rin ni Health Undersecretary Achilles Gerard Bravo ang mga binili ng gobyerno sa Pharmally kabilang ang PPEs at laboratory equipment na nagkakahalaga ng 30.7 billion pesos; general TM viral RNA, facemasks, face shields at surgical masks sa halagang 158 million pesos; COVID-19 testing kits and consumables sa 4.1 billion pesos at RT-PCR sa 1.9 billion pesos.

Pero giit ni House Deputy Majority Leader Janette Garin, dapat malaman kung sino ang public official na nasa likod ng pag-convert sa highly technical at specialized public health commodities bilang common-use supplies na katumbas ng ballpen, papel, envelope at folder.

Read More:  New DOLE Chief Tolentino vows stronger labor safety enforcement

Kinumpirma naman ng Fraud Audit Office ng Commission on Audit na mayroon silang nakitang mga iregularidad sa transaksyon ng pamahalaan sa Pharmally kasama na ang kawalan ng memorandum of agreement na susundin sa gagawing pagbili ng PS-DBM.

Gayundin ang kawalan ng kakayahan ng Pharmally na maibigay ang mga binili ng gobyerno at iba pang ginamit upang pagtakpan umano ang ginawang paggastos sa 47.6 billion pesos.