KORONADAL CITY- NAKAPAGTALA ang lalawigan ng South Cotabato ng pinakaunang local case ng infected ng COVID 19 variant.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Hannah Ebeo ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) na ang naturang pasyente ay isang 29-anyos na babae na residente ng Tantangan at may travel history sa Davao City.
Ito ay nagpositibo sa COVID 19 noong July 13.
Nakumpirmang infected ito ng Beta o South African variant noong August 9 batay sa resulta ng genome sequencing na ipinalabas ng Philippine Genome Center.
Nilinaw ni Ebeo na ang naturang pasyente ay asymptomatic at idineklara nang recovered batay sa pamantayan ng Department of Health (DOH).
Negatibo din sa virus ang mga close contact nito sa bayan ng Tantangan.
Napag-alaman na ito na ang ikalimang kaso ng COVID 19 variants sa lalawigan, ngunit ang naunang apat ay pawang nadetect sa mga umuwing Overseas Filipino Workers (OFW) na kinabibilangan ng dalawang infected ng Alpha o UK variant, isang Gamma o Brazilian at isang P3 variant case na natuklasan sa Pilipinas.
