CAMARINES NORTE- Nagmistulang black Monday protest ang unang araw ng trabaho ngayong linggo sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Makikita sa isinagawang flag raising ceremony na may mga doctor at empleado na nakasuot ng itim na damit upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa ordinansa ng Sangguniang Panlalawigan na buwagin ang ilang posisyon sa mga government hospital sa lalawigan.
Gayunman karaniwang “flag raising” ceremony lang ang nangyari at wala namang idinaos na programa na kahalintulad noong Biyernes.
Pagkatapos ng flag ceremony ay balik na sa kaniya- kaniyang opisina ang mga empleado habang patuloy sa pag- duty ang mga healthcare workers.
Hindi pa rin inaalis ang malalaking tarpaulin sa iba’t- ibang sulok ng ospital na nagpapahayag ng pagkontra sa abolition ng mga posisyon.
Ayon naman kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco karapatan ng mga empleado na ipahayag ang kanilang saloobin kaya wala naman aniyang problema kung may ganitong pagkilos.
Ang importante umano ay naibibigay pa rin ng mga empleado ang mga kinakailangang serbisyo lalo na sa mga pasyente.
Una na ring nagsumite ng position paper ang Provincial Health Office sa Sangguniang Panlalawigan hinggil sa isyu.
Hiling naman ng mga nagpoprotestang empleado na huwag buwagin ang mga posisyon dahil kailangan ito ng mga goverment hospitals.
Samantala inanunsiyo naman ng Human Resource Management Office na susweldo na ang mga job order employees ng CNPH para sa mga araw na mula Hunyo 1- 20.
Ang natitirang mga araw umano ay hiwalay na ipo- proseso upang agad na ring matanggap ng mga job order employees.
