SORSOGON CITY – Umarangkada na ang unang araw ng pagsusumite ng kandidatura o certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato sa lokal na posisyon sa 2022 elections.
Ang paghahain ay simula Oktubre 1 hanggang 8 mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon. Nagsabay na ang Comelec City at Comelec Province sa iisang venue sa Provincial Gymnasium sa loob ng Capitol Compound sa lungsod ng Sorsogon.
Hindi na nagdrama at nagpasuspense pa ang mag-asawang Hamor na siyang naging ‘early birds’ sa paghain ng kanilang COCs.
Si incumbent City Mayor Ma. Ester Hamor ay tatakbo muli sa pagka-mayor habang ang asawa nito na si Casiguran mayor Edwin ‘Boboy’ Hamor ay pormal nang kandidato sa pagkagobernador ng lalawigan.
Sabay-sabay na ring nagsidatingan ang Team ERHAP (Escudero, Ramos, Hamor Asen Pag-iriba) na pinagunahan ng kanilang kandidato sa Unang Distrito bilang Representante na si Bernadette ‘Dette’ Escudero at ang incumbent Vice Governor na si Atty Wowo Fortes bilang Representante sa Segundo Distrito.
Naging mahigpit naman ang proseso ng filing of COCs kung saan nasunod ang minimum health protocols. Naiwasan ang parang mala-‘fiesta’ noon na nakagawian at nalimitahan ang bilang ng mga kasama ng kandidato sa dalawa hanggang tatlo lamang.
Nagbigay naman ng seguridad sa bisinidad ang mga tauhan ng Sorsogon City Police, mga personahe ng 911 at iba pang force multipliers.



