Uminit ang tensyon sa pagitan nina Isabela 1st district Rep. Tonypet Albano at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa ginanap na budget hearing ng Department of Tourism (DOT) sa House Committee on Appropriations, partikular na sa kontrobersyal na “Love the Philippines” tourism campaign.

Ginisa ni Castro ang DOT officials na umano’y nag-apruba sa release ng sinasabing “plagiarized” na promotional video ng contractor na contractor Doyle, Dane & Bernbach (DDB) Philippines.
Ani Castro, dapat vini-vet ang naturang video kung orihinal ba ito o hindi, bago isapubliko.
Depensa naman ni Albano, dati pang napag-usapan ng mga mambabatas ang naturang issue, at naitama na ng DOT ang kanilang pagkakamali.
Giit pa nito, imbis na pag-initan ang ahensya, umaapela siya sa mga Kongresista na tapusin ang usapin hinggil sa video na inilabas ng tourism department, dahil nasasayang aniya ang oras para rito.
Sa huli, nanindigan naman si Castro na malaking kahihiyan ang ginawa ng DOT, kaya hindi ito dapat ipagsawalang bahala lalo na kung may mga tanong na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot.