Ibinunyag ng isang dating opisyal ng Department of Education ang umano’y nangyayaring iregularidad sa bidding process noong kalihim pa nito si Vice President Sara Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ibinahagi ni dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado na pinuwersa umano siya na magbitiw sa puwesto matapos kuwestyunin ang procurement ng computerization program ng DepEd.
Si Undersecretary Zuleika Lopez na chief-of-staff ni VP Sara aniya ang nagpa-resign sa kanya.
Giit ni Mercado, tinutulan niya ang mga suhestyon ni dating Education Assistant Secretary Reynold Munsayac na hayaan ang bidders sa computerization program na pag-usapan na lang ang kahihinatnan ng bidding.
Si Munsayac ay nagsilbi rin noon na tagapagsalita ni VP Duterte.
Bukod dito, isiniwalat ni Mercado na nakatanggap siya ng mga envelope na naglalaman ng cash habang naglilingkod sa DepEd ngunit hindi umano niya ito binuksan.
Napag-alaman na limampung libong piso ang nilalaman ng mga naturang envelope na ibinigay ni Assistant Secretary Sunshine Fajarda at galing umano kay Duterte.
Samantala, sa isang press briefing ngayong hapon – pinabulaanan ni VP Sara ang umano’y pagbibigay niya ng P50,000 kay Mercado sa loob ng siyam na buwan.
Inilarawan din ni Duterte si Mercado bilang isang ‘disgruntled’ former DepEd official, at tiniyak na handa siyang magpakita ng resibo para pabulaanan ang mga alegasyon nito.