Binawi na ng PHIVOLCS ang in-issue nitong tsunami warning sa iba’t ibang coastal areas sa bansa.
Maaalalang naglabas sila ng tsunami warning sa mga probinsiya ng Batanes Group of Islands, Cagayan, Ilocos Norte, at sa Isabela dahil sa posibleng matataas na along dulot ng magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan.
Sa advisory ng PHIVOLCS ngayong 10:33am – ni-lift na ang tsunami warning.
Ito ay makaraang wala silang na-monitor na ‘significant sea level disturbances’.
Flights pa-Taiwan, ‘di apektado ng lindol; Klase sa ilang mga paaralan, suspendido ngayong araw
Tuluy-tuloy pa rin ang monitoring ng iba’t ibang ahensya para sa epekto sa Pilipinas ng tumamang magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA) – inabisuhan na nila ang mga shipping lines para bantayan ang sitwasyon ng karagatan.
Samantala, kinumpirma naman ng Philippine Airlines na ang flights pa-Taiwan na PR890/PR891 at ang PR894/PR895 ay hindi naman kinansela.
Kaugnay nito – nagdeklara na rin ng class suspension ang ilang mga paaralan.
Sa Ilocos Norte – suspendido na muna ang klase ngayong araw sa Currimao, at sa Pagudpud.